Mga kirot at sakit na hindi dapat balewalain

Madalas bang may sumasakit sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan? Kung pabalik-balik ito, maaaring senyales raw ito ng seryosong karamdaman.

Ang ilan sa mga simpleng sakit tulad ng headache, o pananakit ng puson at ngipin, ay maaaring mauwi sa tumor o cancer kapag hindi naagapan o naipatingin kaagad sa doktor.

Migraine o vascular headache

Sa patong-patong na trabaho at sa kaliwa’t kanang utos ng boss, hindi malayong ma-stress tayo at makaranas ng panananakit ng ulo. Ngunit kapag tumindi ito at para bang may pumipitik sa ating ugat, migraine na ang iyong nararanasan. Para sa ilan, simpleng sakit lang ang migraine at kayang idaan sa pag-inom ng paracetamol o pain reliever.

Pero kapag pabalik-balik ang migraine at sinamahan pa ng pagsusuka, pagkaduling o paglabo ng paningin, puwede raw ito maging sintomas ng brain cancer o tumor sa utak at aneurism.

“Kung ordinary headache lang, madali itong mawawala kung ikaw ay uminom lang ng ordinary paracetamol. Doon naman sa headache na dahil sa pumutok na ugat, namumuong dugo o kaya dahil sa tumor sa utak, ‘yung headache na ito ay maaaring mawala pero nandiyan na naman,” paliwanag ni Dr. Blanco-Limpin, cardiologist at dating presidente ng Philippine College of Physicians.

Kapag mayroong aneurism ang isang tao, lumulobo ang artery o ugat sa kaniyang utak na sa huli ay maaaring pumutok. Kapag namuo ang dugo sa utak, magkakaroon na ng pressure sa kaniyang ulo.

Appendicitis

Matatagpuan ang ating appendix sa unang bahagi ng ating large intestine o malaking bituka. Malaking tulong daw ito sa pagsala ng dumi mula sa ating digestive system.

Ilan sa mga sintomas ng appendicitis o pamamaga ng appendix ay ang pagkawala ng gana sa pagkain, pananakit sa bahagi ng upper o lower abdomen, pagsusuka dahil sa pagsakit ng puson, pamamaga ng puson at constipation o hirap sa pagdumi na mayroong intestinal gas. Hindi nadadaan ang appendicitis sa pag-inom ng gamot.

“Ang appendicitis, hindi kaya ng gamot lang. Kailangan itong operahan. Kapag kasi hindi naoperahan ang pasyente, tapos biglang nag-rupture o pumutok yung appendix ng pasyente, puwedeng malason ang tao at mamatay,” paliwanag ni Dr. Blanco-Limpin.

Mahalagang magpatingin agad kapag nakararanas ng mga nabanggit na sintomas.

Puwedeng suriin ang sarili para malaman kung may appendicitis ka. Itaas lang ang kanang tuhod at kung makaramdam ng pananakit sa bandang likuran, maaaring ito’y dulot ng appendicitis. Para makasiguro, kumonsulta na sa doktor at magpa-blood test.

Urinary Tract Infection o UTI

Madalas ka bang makaranas ng pananakit sa tiyan sa bandang tagiliran? Hirap ka bang umihi at paunti-unti lamang? Malimit ka rin bang lagnatin dahil sa impeksyon? Maaaring mayroon kang impeksyon sa daanan ng ihi o Urinary Tract Infection (UTI).

Pampito sa nagungunang sakit ang UTI sa Pilipinas. Kalimitang mga kababaihan ang nakararanas nito. Malalaman mo kung may UTI ka sa pamamagitan ng pag-examine ng ihi o urinalysis.

Antibiotic ang pangunahing treatment sa sakit na ito. Paliwanag ni Dr. Blanco-Limpin, “Kapag hindi nagamot [ang UTI], ang impeksyon ay puwedeng umakyat at mapunta sa kidneys.”

Kapag may diperensya ang ating bato o kidney, hindi masasala ang dumi sa ating katawan na mauuwi sa pagkalason. Ang solusyon sa kidney failure ay ang pagsasailalim sa kidney dialysis o proseso ng paglinis ng dugo.

Menstrual cramps

Ang menstrual cramps o pananakit ng puson ay kadalasang nararanasan ng babae sa tuwing siya’y dinadatnan ng buwanang dalaw o menstruation. Unti-unting nawawala ang menstrual cramps kapag patapos na ang dalaw ng isang babae.

Kapag matindi ang sakit na nararanasang menstrual cramps, ito’y posibleng senyales ng kondisyon na kung tawagin ay endometriosis, isang gynecological disease kung saan makikitang lumalaki ang endometrial glands o stroma sa labas ng uterus o bahay-bata. Tinatayang isa sa 20 babae ang nagkakaroon ng ganitong sakit.

Ilan sa mga sinasabing sintomas ng endometriosis ay ang malimit na pagkakaroon ng dysmenorrhea, pananakit ng likod o tagiliran sa tuwing dumudumi, at hirap sa pagbubuntis. Malalaman kung ang isang babae ay mayroong endometriosis sa pamamagitan ng transvaginal ultrasound o transrectal ultrasound.

Dental problem

Isa pa sa mahirap na kalaban lalo na sa pagtulog ang pananakit ng ngipin o toothache.

Ayon sa National Monitoring and Epidemiological Dental Survey, 92.4 porsyento o mahigit siyam sa bawat 10 Pilipino ang mayroong tooth decay o sira sa ngipin. Umaabot naman sa 78 porsyento o halos walo sa bawat 10 ang may gum diseases o sira sa gilagid. Madalas maranasan ito ng mga taong hindi inaalagaan ang kanilang mga ngipin.

Kung madalas sumakit ang iyong ngipin na hindi maidaan sa simpleng pag-inom ng pain reliever, maaaring isa itong impeksyon sa mandibular area o pagkakaroon ng tumor sa panga.

“Bihira lang naman mangyari ‘yun. Kailangan patingnan ‘yan kasi kung may impeksyon sa buto ng jaw natin kailangan mabigyan kaagad ng lunas at antibiotic. Otherwise, paano na magiging buhay mo, ‘di ka makakagalaw, makakakain, makakapagsalita. Mahirap,” paliwanag ni Dr. Blanco-Limpin

Paalala ng mga doktor: “Never self-medicate.” Kapag ang sakit sa katawan ay pabalik-balik o nagiging pangmatagalan, kailangan na raw maalarma at magpagamot para hindi na ito tumindi at umabot pa sa mas malalang kondisyon.



Buah Merah Mix Philippines © 2015 buahmerahmix.ph
Translate »